ako to

Tuesday, November 29, 2005

isang panibagong pakikibaka

Mayroon kang kaibigan. Matagal na kayong magkakilala. Marami na kayong pinagsamahan. Dumating ang araw na malalaman mo sa sarili mong unti-unti ka ng nahuhulog sa kanya. Bawat pagkakataong magkakatagpo ang inyong mga mata, tila ika'y natutunaw at nais manliit. Sa bawat paghaplos ng kanyang mala-anghel na kutis sa iyong balat, may kakaibang daloy ng kuryenteng bumabalot sa iyong katauhan. Ngunit, kaibigan lamang ang tingin niya sa iyo. Ayon nga sa kanya, "May kuwenta kang KAIBIGAN..." Marahil, sa isang normal na magkaibigang walang namamagitang anumang pagtingin, ito'y ikakatuwa marahil at ikakagalak ng kalooban. Ngunit, ito ay isang malaking sampal sa mukha ng isang kaibigang sinisinta ang huli at umaasang malaman niya ito't mabigyang katugunan.
Mahal ko ba siya? Oo mahal na mahal ko. Bakit? Ano? Anong sabi mo? Bakit ko siya mahal? Hindi ba't ang tunay na pagmamahal ay walang dahilan? Hindi ba't ito'y sadya na lamang umuusbong at marahang namumulaklak? Mahal ko siya dahil mahal ko siya. Ano ba sa tingin mo ang tingin niya sa iyo? K-a-i-b-i-g-a-n L-A-M-A-N-G. Marahil ay isa lamang akong kaibigan sa kanyang pagtingin. Eh paano yan kapag sinabi mo na sa kanya ang nararamdaman mo? Hindi ba masisira ang pinagsamahan ninyo ng matagal na panahon? Hindi ko alam. Hindi ko nga rin mawari kung sasabihin ko pa sa kanya ang damdamin ko. Takot ako. Takot akong mawala siya sa akin at tuluyang lumayo. Iyon ay hindi ko makakayanan. Parte na siya ng buhay ko. Wari'y ako'y nawalan ng isang mata kapag siyang umalpas sa aking pagkakahawak. Ngunit, naisip ko rin, paano kung malaman niya ito at lalo pa siyang nagalit dahil hindi ko man lang ipinaalam sa kanya? Ako ngayong tuliro. Hindi alam ang gagawin. Para ako ngayong isang sundalo sa digmaan na naubusan na ng bala. Namimili sa dalawang pupuwedeng gawin; ang umatras at piliing mabuhay ng may takot at pag-aalinlangan o ang piliing lumaban bagamat walang sandatang ihaharap sa kaaway, mamatay man ako'y maluwalhati sapagkat ako'y lumaban at hindi naging isang duwag.
Mahirap mamili. Hindi ko alam kung ano ang tamang gawin. Walang undo ang buhay. Hindi ito parang computer na may Backspace kapag nagkamali. Ito ay isang typewriter, walang pambura. Kapag ako'y nagkamali, habang buhay ng tatatak ang bakas ng Correction Fluid sa papel kong sinusulatan.
Hay... Buhay nga naman. Masyadong maraming hiwagang hindi mawari at mabatid kahit ng isang henyo. Malawak ang nakalaan sa bawat nilalang. Malalim ang sisisirin ng bawat nilikha. Ang alam ko lamang, ngayo'y ako'y nasa dulo ng isang bangin, naghihintay na tubuan ng pakpak upang makaalpas sa isang mahirap na desisyon. Naghihintay na ang shooting ng pelikula ng aking buhay ay mag-cut o mag-water break muna upang ako nama'y makahinga at kung maaari ay makapag-isip. Ngunit, buhay ito. Walang cut at walang water break. Bawat oras ay mahalaga. Bawat sandali ay pinapahalagahan.
Wala akong pagsisisi. Nagmamahal ako. Walang masama roon. Lamang ay sa isang kaibigan pa. Sa isang matalik na kaibigan pa ako nahulog. Nagawa ko na ito isang beses, ako ay nabigo. Masakit. Malalim ang sugat na naiwan. Matagal naghilom ang kirot. Ngayo'y isa na namang panibagong pagkakataong kailangan kong mamili. Ako ba'y magiging makasarili at tuluyang itago ang damdamin ko sa kanya, na mahalin ko na lamang siya hangga't ang puso ko'y hindi pa tuluyang nadudurog dahil sa pait at sakit ng pagkasawi at pagbigo o kaya'y maging tapat ako sa aking sarili at sa kanya at sabihin ko ang aking nararamdaman at tuluyang harapin ang aking pabuyang kasawian at pagkalumo.
Mahirap ito. Alam ko. Nagawa ko na ito isang beses. Sana lang, hindi maulit ang dati. Sana lang, maging maayos ang lahat... Hay... Ang sarap mangarap...